Lungkot at panghihinayang ang naramdaman ng isang ginang sa Baguio City na nagpapatago sa pangalang ‘Katherine’ , 57-taong gulang nang mapagtanto niyang nakuhanan siya ng pera ng mga scammer na umaabot na mahigit kalahating milyong piso. Naibigay niya ang nasabing halaga sa mga taong tumawag sa kanya na nagsabi na nanalo siya sa isang raffle.
Ayon sa kanyang kausap, nanalo siya ng 750,000 na cash at para makuha ito kinakailangan na magbigay siya ng pera para sa pagpu-proseso ng mga papeles.
Sa salaysay ng ginang, taong 2016 pa nang magsimula siyang tawag-tawagan nang mga nagpakilala na taga-iba’t ibang sangay ng gobyerno na nakabase sa Maynila. Umasa ang ginang na totoo ang sinabi ng mga ito. Gagamitin niya sana ang perang makukuha niya sa pag-aaral ng kanyang mga anak. Pero huli na nang mapagtanto niya na naloko lang pala siya.
Tinangka pang bawiin ng ginang ang pera na kanyang naibigay sa mga katransaksiyon, pero ‘di pumayag ang mga ito. Sa halip ay tinakot pa siya ng mga ito. Mababaliktad lang diumano ang kaso kung sakaling magsasampa siya ng reklamo.
Kahit na tinakot ang ginang ng mga scammer, ‘di nagpatinag ang ginang. Lumapit siya sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para ireklamo ang mga nanloko sa kanya.
Sa kabilang banda, sinabi ni SPO3 Veronica Villareal ng CIDG Baguio na kapag may nagtext o nagpapahiwatig na kayo ay nanalo ng malaking halaga at nanghihikayat na magpadala sa kanila ng pera ay huwag itong pansinin lalo na’t wala namang sinalihang pa-raffle.
Source: ABS-CBN