Kalikasan. Isang bagay na nilikha
ng Diyos para satin. Nilikha para ating alagaan, pahalagahan at mahalin. Ang
kalikasan ang nagbibigay sa atin ng buhay. Dito nagmumula ang ating mga
sariwang prutas at gulay na galing sa mga puno. Sa pamamagitan din ng mga puno
kaya tayo'y ay malayang nakakahinga. Mga puno rin ang nagsisilbing tahanan ng
napakaraming uri ng hayop lalo na ng mga ibon. Ang mga isda na masusustansya ay
ang kalikasan din ang nagbibigay na matatagpuan natin sa mga karagatan, ilog at
iba.
Tunay ngang napakaraming naidudulot
sa atin ng kalikasan. Hindi natin pansin
ngunit napakalaki ng pakinabang natin dito. Kung hahayaan natin na ipagsawalang
bahala na lang natin ito, maaaring ito na rin ang ating magiging katapusan.
Isipin na lng natin kung patuloy nating gagawin ang mga aktibidad na makakasira
ng ating kalikasan. Paano na lang ang susunod na mga henerasyon? Hahayaan na lang
ba natin na ang ating mga magiging anak at apo ay wala nang makitang
magagandang tanawin? Hahayaan na lang ba natin na hindi na nila maranasan ang
makalanghap ng sariwang hangin? At sa tingin n’yo ba ay mabubuhay tayo ng
walang kalikasan?
Sa panahon ngayon, tila marami na
sa atin ang nakakalimutan kung paano ingatan ang kalikasan at hindi na ito
pinapansin. Talalamak na ngayon ang pagpuputol ng mga punong kahoy na nagriresulta
kung bakit tayo ay nalulubog sa mga baha. Nandiyan din ang pagmimina at
pagkakaingin na nagdadahilan nang
pagkakalbo ng ating mga kagubatan. Ang iligal na pangingisda o ang pangingisda
gamit ang dinamita ay nagdudulot din nang pagkasira ng kalikasan.
Isa rin sa mga dahilan ay ang mga
nagtataasang industriya na naglalabas ng masamang usok na siyang nagiging
dahilan kung bakit bihira na tayong makalanghap ng sariwang hangin. Kahit sa
simpleng pagtatapon natin ng basura kung saan saan ay nagiging sanhi rin ng
pagkasira ng kalikasan. Sa ganitong mga paraan hindi natin namamalayan na
winawasak na natin ang kalikasan. Nasisira na natin ang libu-libong tirahan ng
mga hayop. Ang tanging iniisip na lang natin ay ang sarili nating pakinabangan
o kasiyahan.
Huwag natin hayaan na patuloy na mangyari ang pagkasira ng kalikasan. Gumawa tayo ng paraan para maiwasan ang mga ganitong
gawain. Magtanim tayo ng mga puno at iba pa upang mabalik ang kasiglahan ng
kalikasan. Hindi pa huli ang lahat, marami pa tayong magagawa. Lagi lang nating
isipin na ito ay ginawa ng Diyos para ating ingatan, pahalagahan at mahalin.
Walang ibang makikinabang dito kung di tayo din kaya tayo rin ang may karapatan
para ito'y pahalagahan. Sana sa simpleng
ganitong paalala ay makatulong ako sa pagtatanggol ng ating kalikasan. Mahalin
natin ito.
-Justine San Juan
ABM-11-YEN