Kamakailan ay ipinahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na plano niyang maghain ng batas na magsasa-legal ng Same Sex Marriage. Layunin ng batas na ito ang pagkakaroon ng respeto sa karapatan sa mga kasapi ng LGBT.
Ayon sa mambabatas, nakasaad sa Kontitusyon na karapatan ng bawat Pilipino na maging maligaya kaya't bakit naman ito kailangang ipagkait sa kanila?
Idinagdag pa ni Alvarez na ' di siya nakikialam sa ginagawang pagpapakasal ng simbahan. Kung ayaw nila sa ganitong uri ng kasal ay ayos lang sa kanya. Ang importante ay ginagarintayahan ito sa ilalim ng civil law.
Bagama't plano pa lang ni Alvarez ang paghahain ng Same Sex Marriage bill ay umani agad ito ng negatibong reaksyon. Ayon sa mga netizens, inirirespeto nila ang karapatan ng mga LGBT, pero hindi tama ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian dahil taliwas ito sa mata ng Diyos at ng lipunan. Nakalagay diumano sa Bibliya na ang pakikipagtalik sa lalaki sa lalaki o babae sa babae ang naging sanhi kung bakit winasak ng Diyos ang bayan ng Sodom at Gomora.
Kung mayroon mang tumututol, mayroon din namang natutuwa lalo na ang mga miembro ng LGBT dahil kapag nagkataon diumano ay matutupad na ang kanilang pangarap na maikasal ng legal sa kanilang mga partner. Maisasaayos din ang pagkakaroon nila ng conjugal property, pagmamana at iba pa.