Sinabi ni Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa harap ng mga media nitong Sabado ng umaga na handa siyang tumanggap ng posisyon sa gabinete ni President-elect Rodrigo Duterte kung sakali mang alukin siya nito.
Sa ngayon ay hindi pa puwedeng tumanggap ng anumang posisyon sa gobyerno si Marcos. Kailangan muna niyang maghintay ng isang taon bago ito gawin gaya nang isinasaad sa batas.
Ayon kay Marcos, wala pa naman silang anumang napapag-usapan ni Duterte hinggil sa ibibigay sa kanya nito na posisyon. Personal lang niya diumanong binati ang nagwaging president nang huli silang magkita sa After Dark Bar sa Davao City noong Biyernes ng gabi.
Natutuwa si Marcos sa naging pahayag ni Duterte na hindi niya bibigyan ng posisyon si Leni Robredo sa kanyang gabinete dahil ayaw nitong masaktan si Marcos. Pinapasalamatan niya si Duterte dahil sa pagpapahalaga nito sa kanilang pagkakaibigan.
Nariyan lang naman daw lagi si Marcos para kay Duterte, handa itong makipagtulungan sa bagong administrasyon sa anumang paraan kahit pagbibigay lang ng 'friendly advice.'
(Source: abscbn.com)