Tapos na ang botohan, pero mainit pa rin ang mga taga-suporta ng mga kandidato. Sa partial na bilangan sa pagka-presidente, malayo na ang agwat ni Mayor Rodrigo Duterte sa kanyang mga katunggali. Habang dikdikan naman ang labanan sa pagka-bise presidente, sa pagitan nina Leni Robredo at Bongbong Marcos.
Usap-usapan ngayon sa social media, ang pandaraya o pagmamanipula diumano ng administrasyon sa resulta ng boto ng pagka-presidente. Ayon sa mga kritiko, alam nilang malabong manalo si Mar Roxas sa pagka-presidente kung kaya't ang pagka-bise ang target na makuha ng Liberal Party. Bahagi diumano ito ng kanilang Plan B. Kapag naupo raw si Robredo, tatrabahuin nilang maipa-impeach si Duterte, sa tulong ng kanilang mga kaalyado sa Kongreso.
Kinukuwestiyon ng mga taga-suporta ni Marcos kung saan nakuha ni Robredo ang kanyang mga boto gayung wala naman itong solid supporters. Hindi kagaya ni Marcos na suportado ng maraming samahan gaya ng Iglesia ni Cristo, El Shadadai, Transportation Jeepney Association in the Philippines at marami pang iba.
Kinukuwestisyon din nila ang COMELEC kung bakit nabawasan ang bilang ng boto ni Chiz Escudero nang mahigit tatlumpung libong boto. Katulad nang makikita sa larawan na kumakalat ngayon sa social media. Nakasulat dito na noong 4:40 AM ay nasa 4,479,913 ang boto ni Chiz, pero pagsapit nang 5:30 AM ay nasa 4,449,038 na lang ito. Posible diumanong idinagdag ito sa boto ni Robredo.
Hinihiling ng mga taga-suporta ni Marcos sa COMELEC na itigil muna nila ang ginagawa nilang pagbibilang saka ulitin. Ito ay para matiyak na wala ngang dayaang nangyayari.