Limang paaralan ang hinagisan ng pampasabog sa Sultan Mastura, bayan ng Maguindanao noong madaling araw ng Miyerkules (Abril 27).
Ayon sa mga otoridad, ang serye ng pagpapasabog ay nangyari sa Darungan Elementary School sa Barangay Dagurungan, Tuka Elementary School sa Barangay Tuka, Darping Elementary school sa Barangay Macabiso, Day Care Center sa Barangay Tariken at sa Simuay Seashore Elementary School sa Barangay Simuay.
Nakakita ang mga otoridad sa mga pinasabugang paaralan ng dalawang safety levers ng granada, walong piraso ng basyo ng 7.62MM, mga bahagi o pira-piraso ng metal at blue container.
Ang pinakamatinding napinsala sa mga hinasagisan nang pampasabog ay ang Simuay Seashore Elementary School kung saan ay walong kompyuter ang nasira. Samantalang wala namang napinsala sa Dapling Elementary school.
Ang nasabing mga paaralan ay nakatakdang maging polling precint sa darating na eleksyon. Ayon kay Police Inspector Winderlyn Banico, Chief of Police ng Sultan Mastura na 'di pa natitiyak kung may kinalaman nga sa pulitika ang serye ng pagpapasabog sa mga eskuwelehan. Maaari diumanong may ilang grupo lang na nais takutin ang mga botante.
Dahil sa serye nang pagpapasabog ng mga paaralan sa Maguindanao, may mga titser na diumano na natatakot na gampanan ang kanilang trabaho bilang board of elections inspectors. Nababahala na kasi sila para sa kanilang kaligtasan. Hinihiling ng iba sa kanila na palitan na lang sila ng pulis para magsilbing BEIs.
(Source:abscbn.com)