Ang lansones ay napakapopular at isa sa mga paboritong prutas ng marami dahil sa taglay nitong sarap. Maraming nakatanim na puno ng lansones sa bayan ng Quezon, Laguna at sa Mindanao.
Ito ay karaniwang tumataas mula apat hanggang labing limang metro. Sa magkabilang sanga nito ay mayroong lima hanggang pitong dahon. Ang maliliiit na bulaklak nito ay makikita sa mga tangkay at sanga, at ang mga bunga nito ay kulay dilaw na kumpol-kumpol. Ang nasabing prutas ay mabulo, manipis pero matigas at makatas.
Ngunit 'di lang basta masarap ang lansones dahil mayroon din itong katangiang medisinal. Ang pinatuyong balat ng lansones kapag sinunoig ay nagbibigay ng mabangong samyo anupa't ito ay nakapagbibigay ng maginhawang pakiramdam sa makaaamoy nito. Ang tinapyas na bahagi naman ng balat ng katawan ng puno ng lansones kapag pinakuluan ay mainam na gamot sa diarhea, bukod pa roon puede rin itong inumin para mawala ang lagnat. Samantalang ang pinulbos o dinurog na balat ng katawan ng puno ng lansones ay magagamit bilang lunas sa kagat ng alakdan.
Ang dinikdik na mga buto naman ng lansones ay puedeng gawing pampurga para mawala ang mga bulateng nanunuot sa bituka. Ang katas na makukuha pa rin sa balat ng katawan ng puno ng lansones ay gamot sa pulikat, pamamaga at kabag o ng masamang hangin. Ayon sa mga dalubhasa ang puno ng lansones ay mayroong toxic subtances na mas kilala sa lansium acid. Ngunit huwag ipagkakamaling ang tinutukoy na 'toxic' ay isang uri ng lason na nakapipinsala sa katawan ng tao bagkus ay may mabuti ngang dulot sa atin gaya ng mga nabanggit.