Pinaniniwalaang ang niyog ay buhay. Ito ang gustong patunayan ni Leloi Noronia, limampung taong gulang dahil ang paggawa ng walis tingting ang kanyang pinagkakakitaan. Taong 1998 pa buhat nang pasukin niya ang ganitong negosyo.
Nakatira pa siya noon sa Tanuan, Batangas, isinama siya sa palengke ng kanyang kapatid para mamili ng manok. Nakabili siya ng walis tingting, natuwa siya dahil mura lang ang presyo. Minsan naman ay may nakita siya sa bukid na nagkakayas ng niyog para gawing walis tingting. Umorder siya sa kanila saka niya dinala sa Manila. Nabili naman ang mga ito at doon na siya nagka-ideya na mas maganda kung siya mismo ang gagawa ng walis.
Sinimulan ni Mang Leloi ang ganitong negosyo kasama ang tatlong pamangkin. Dalawang daang pirasong walis lang ang kanilang ginagawa noon. Inutang nga lang niya ang kanyang naging puhunan para rito. Hanggang sa dumami ang demand ng mga umuorder sa kanya. Sa ngayon ay hindi lang siya ang nakikinabang dito kundi pati na rin ang kanyang mga kapitbahay na sa bilang niya ay nasa kuwarenta na sila. Masaya siya dahil nakatutulong siya sa iba.
Kung lugar ang pag-uusapan ay walang masasabing gawaan si Mang Leloi kaya’t ang puwesto niya ay nasa tabing kalsada. Naglagay lang sila ng tolda roon. Mas maganda nga ito dahil expose sila sa mga tao dahil nakikita ng mga dumaraan. Pagsapit ng gabi ang kanilang produkto ay iniiwan lang din nila sa kanilang puwesto. Tinatakpan lang nila ng tolda. Hindi siya nag-aalala dahil tiwala siyang hindi ito kukunin ng kanyang mga kalugar dahil magkakakilala naman sila. Pero minsan ‘di maiiwasan na may nang-uumit ng walis. Sa paniwala niya ay mga dayo ang gumagawa nito.
Ang walis tingting na kanilang ginagawa ay galing sa Quezon Province. Sinabi ni Mang Leloi na ang naturang bayan ang sentro ng nagbabagsak ng walis tingting dahil na rin sa dami ng puno ng niyog doon. Meron din namang nanggagaling sa Mindoro at Romblon. Pero mas marami pa rin sa Quezon dahil ‘di nawawalan ng supply. Dalawang beses isang linggo ang dating ng suplay sa kanila na umaabot sa limang libong bungkos ng walis ng tingting. Ang isang bungkos ay hahatiin nila sa tatlo. Kung kukuwentahin ay makakapagprodyus ito ng labinlimang libong walis. Sa isang bungkos, ang kanilang puhunan ay 22 pesos at ang bawat walis na magagawa ay maibebenta nila ng sampung piso. Dahil siya ang tumatayong lider sa kanilang magkakapitbahay ay nakakapagpatong siya ng piso sa kada isang bungkos na ipinapasa niya.
Si Mang Leloi na ang bahalang magbigay ng gagawing walis sa kanyang mga kapitbahay. Madali lang namang gawin ang walis tingting. Dahil sa nakayas na, ang gagawin na lang nila ay hahatiin ito sa tatlo at papantayin ang dulo saka nila tatalian. Kapag mabilis gumawa ay kayang gumawa ng limang daang pirasong walis tingting sa loob ng isang araw. Nang tanungin si Mang Leloi kung kaya pa ba niyang gumawa nang mabilisan ay natawa siya at sinabi niyang kayang-kaya pa niya. Sabay turo ang mga salansan ng kanyang mga nagawa ng walis na aniya ay malapit nang umabot sa limang daan.
Kung saan-saan naglalako ng walis ang kanyang mga kapitbahay. Si Mang Leloi naman lumuluwas siya ng Meycauyan, Bulacan at nagbabagsak sa palengke at sa mga tindahan doon. Kada punta niya roon ay nasa 1,200 piraso na walis tingting ang kanyang dala-dala. Matiyaga talaga siya dahil namamasahe lang siya.
Ipinagmalaki ni Leloi na dahil sa kanyang negosyong walis tingting ay nakapagpatayo siya ng bahay at nakapagpatapos din ng anak sa kolehiyo. Sinabi niya na kayang-kaya niyang kitain ang kinse mil sa loob ng isang buwan. Para kay Mang Leloi, maganda ang negosyong ito, aniya, “Dito walang pinipili kung may pinag-aralan o wala basta masipag ka lang.” Isa pa, mapa-mahirap at mayaman ay gumagamit ng walis tingting. Ang ikinaganda pa nito ay ‘di ito nabubulok. Marami rin diumanong puwedeng gawin sa tingting gaya ng basket at puwede rin itong kulayan para maging pandisplay at iba pa. Ang ilang naturuan niya ngayon ay may sarili na ring negosyo ng kagaya sa kanya. Ayos na ayos ito sa kanya dahil ang gusto niya lahat ay nakikinabang.