Nakatutuwang tingnan ang reaksyon ng maliliit na mga bata kapag nanonood ng telebisyon, lalo na kapag ginagaya nila ang kanilang mga nakikita. Gayunman, dapat malaman ng mga magulang o tagapag-alaga ng mga batang dalawang taong gulang pababa na ang panonood ng telebisyon ay maaaring makasagabal sa mental development ng bata.
Ayon sa American Academy of Pediatrics, ang mga batang may edad na mas mababa sa dalawang taon ay dapat walang “screen time” maging TV, DVD, computer o video games, sapagkat nakaaapekto ito sa brain growth at sa paglinang ng kanilang social, emotional at cognitive skills.
Maaaring hadlangan ng panonood ng telebisyon ang panahong dapat nakalaan sa pakikipaglaro ng bata sa kanilang magulang at kapwa bata, pag-explore sa kanilang kapaligiran at pag-aaral ng basic skills--mga bagay na mahalagang matutunan ng mga bata habang sila ay lumalaki.
Sa edad na mas mababa sa dalawang taon, ang pagkanta, pakikipag-usap, pagbabasa at pakikinig sa musika ay mas makatutulong sa paglaki ng bata kaysa sa anumang TV show. Sa unang dalawang taon kasi ng bata, ang mga partikular na brain connection na tumutukoy sa iba’t-ibang bahagi ng kasanayan ay umuunlad. Ang mabilis na visual action sa mga palabas sa TV ay nagdudulot ng overstimulation ng developing brain, na maaaring humantong sa attention deficit disorder sa kalaunan.
Kailangan ng mga paslit ang isang environment na tumutugon sa kanila. Kailangan nilang makipag-ugnay sa mga tagapag-alagang ngumingiti, kumakanta, kumakausap at nakikipag-laro sa kanila—mga uri ng interaksyon na hindi kayang ibigay ng telebisyon. Kailangan nilang kumilos upang madevelop ang kanilang mga muscle.
Kailangan din nila ng hands-on problem solving activities upang masuportahan ang kanilang cognitive development. At makipag-laro sa mga kapwa bata o kahit sa matatanda upang lumawak ang kanilang social skills.
Huwag gawing babysitter ang TV. Tandaang kailangang lumaki ang mga bata sa natural na pamamaraan. Pamamaraang matututunan nila sa kapaligiran at mga tao na kanilang nakakasalamuha sa unang dalawang taon ng kanilang buhay.