Kapag tag-araw sa Pilipinas ay sobrang init ng panahon. Lalo na ngayon na hindi pangkaraniwang init ang mayroon dahil sa epekto ng Global Warming. Kamakaialan nga lang ay naitala ang pinakamainit na temperaturang naranasan sa ating bansa na umabot sa mahigit 35 degree celcius at inaasahang titindi pa ito. Dahil sa tag-init ay uso ang mga sakit gaya ng sun burn, food poisoning, pagsusuka at ang heat stroke.
Ngunit ano ba ang heat stroke? Ito yaong sakit na nakukuha dahil sa sobrang pagkabilad sa araw. Ang mga palatandaan nito ay ang pamumutla, biglang pagkahilo, panghihina ng katawan at pananakit ng ulo. Nakararanas din ang taong tinamaan ng heat stroke ng pagkawala ng pawis ng katawan. Ang paglabas pa naman ng pawis ang paraan ng pagpapalamig ng ating katawan. Nangangahulugan lamang na kapag ‘di pinagpawisan sa kabila ng mainit na panahon ay naubusan na ng tubig ang ating katawan. Posible ring himatayin kapag na-heat stroke.
Mayroong simpleng pamamaraan para tayo makatulong kung sakaling may kakilalla tayong nakararanas ng heat stroke. Una, dalhin ito sa malamig na lugar para mapreskuhan. Kapag nawalan ng malay ay pahigain ito sa kama nang nakataas ang mga binti. Kapag may malay naman ay painumin agad ito ng malamig na tubig. Punasan din ang katawan nito ng bimpo na binasa ng malamig na tubig saka paypayan o tapatan ng electric fan. Pagkatapos ay itapat din ang pulso nito sa tubig sa gripo. Matapos isagawa ang mga nabanggit na pamamaraan ay dalhin agad ito sa pinakamalapit na ospital.
Kung tutuusin ay madali lang namang maiwasan ang heat stroke. Dapat ay huwag masyadong magbilad sa araw. Kapag naglalakad sa kalsada ay medyo gumilid kung saan ay mayroong lilim. Kung sadyang ‘di maiwasang magbabad sa araw ay gumamit ng proteksyon tulad ng shades, payong at sombrero. Siyempre, magsuot din ng maninipis na damit para hindi masyadong mainitan. Ugaliing uminom ng maraming tubig para hindi ma-dehydrate. Ipinapayo naman ng mga eksperto na kumain ng mga pagkaing mayaman sa potassium tulad ng saging at mainam din diumano ang pag-inom ng orange juice.