Isa ka ba sa mga taong ang bisyo ay ang paninigarilyo? Gusto mo nang itigil pero hindi mo naman magawa dahil nahihirapan ka. Natural lang na ganito ang maging reaksyon ng isip at katawan dahil sadyang mahirap alisin ang misang bagay na nakasanayan na. Pero kung gugustuhin talaga ay magagawa namang itigil ang paninigarilyo. Kailangan lang ng tiyaga at pasensiya para magtagumpay.
Hindi naman kinakalingan ng biglaan, puwedeng dahan-dahan lang. Kung nakauubos ng maraming stick ng sigarilyo sa araw-araw ay bawasan muna ito hanggang sa tuluyan nang maitigil ang paninigarilyo. Para hindi matuksong manigarilyo ay huwag pumunta sa tindahan. Utusan na lang ang mga kasamahan sa bahay na sila ang pumunta sa tindahan. Halimbawa namang may nag-aalok manigarilyo ay tanggihan ito. Ipaliwanag sa kanila na ayaw mo nang manigarilyo baka sakaling sila rin ay maengganyo na itigil na ang paninigarilyo.
Ilagay din lagi sa isip na ang sigarilyo ay walang buting idudulot. Sabi nga ng mga eksperto sa kalusagan, sa bawat isang sigarilyo na hinithit mo ay ilang minutong kabawasan sa iyong buhay. Sa bandang dulo ay nagkakaroon pa ng kung hindi tuberculosis ay kanser sa baga ang mga naninigarilyo. Bukod pa rito ay nakaiitim din ito ng labi at mga ngipin. Sinasabing mas matindi pa nga ang epekto nito sa mga taong hindi naninigarilyo. Isa pa, nakadadagdag lang ito sa polusyon ng ating kapaligiran.
Mahalaga rin ang pag-inom lagi ng tubig at pag-i-ehersisyo para pagpawisan nang sa gayun ay lumabas ang mga toxin sa loob ng katawan. Mas makabubuting ituon sa ibang bagay ang pag-iisip. Kung minsan ang paninigarilyo ay sanhi ng kawalan ng ginagawa. Halimbawa na rito, habang naghihintay sa labas ang ilan ay naninigarilyo para ‘di mainip. Imbes na manigarilyo ay magdala na lang ng babasahin para may mapagtuunan ng atensyon habang naghihintay.
Ang iba naman, ang sigarilyo ang ginagawang pampaalis ng tensiyon kapag nahaharap sa alanganing situwasyon. Maaring sila nga ay narerelaks pero dapat ding alalahanin na sa bawat nikotina at may kasama pang carbon monoxide na pumapasok sa loob ng katawan ay nagdudulot ito ng mas matinding tensiyon at stress. Ang nikotina at carbon monoxide ay nagpapabagal ng pagdaloy ng oxygen level papunta sa utak at iba pang bahagi sa loob ng katawan ng tao.