Inaabangan kong lumabas ang girlfriend ko sa fast food na kanyang pinagtatrabahuan. Alas dos na ng madaling araw. Ilang sandali na lang ay lalabas na ‘yun. Ayokong magpatayu-tayo at maglalakad-lakad habang inaantay siya. Kaya’t minabuti ko munang umupo sa gutter. Naroon si Lola sa may ‘di kalayuan sa akin. Nakita ko na rin naman siya noong mga nakaraan pang gabi. Pero ‘di ko naman siya pinapansin. Tingin ko kasi kay lola ay isang baliw sa kalsada. Kung titingnan kasi ay ang dami niyang dalang abubot at kapag minsan ay bigla na lang nagsasalita mag-isa. Hindi naman siya pulubi kasi hindi naman siya namamalimos. E, ‘di sana ay kanina pa niya ako nilapitan at hiningan ng barya.
Hindi pa ako nag-iinit sa aking pagkakaupo ay biglang nagsalita si lola, “Sino ‘yang mga kasama mo?” Sabay turo sa tabi ko. Bigla akong kinilabutan at parang may kung anong malamig akong naramdaman sa aking kaloob-looban. Baka may third eye siya? Si lola naman e, nananakot pa. Hindi ko na lang sinagot ang matanda at napangiti na lang ako. Baka nga may saltik lang ang matanda o ‘di-kaya’y nalipasan na ng gutom. Kung may pagkain lang sana akong dala baka ibigay ko na lang siya. Maya-maya lang ay lumabas na ang girlfriend ko at naikuwento ko sa kanya ang tungkol sa matanda. Sinabihan pa niya akong parang tanga tinatakot ko lang daw ang sarili ko.
Nang sumunod na gabi sinundo ko uli ang girlfriend ko. Pero ni ang anino ni lola ay ‘di ko na nakita. Sabi ng girlfriend ko itinaboy na raw ng mga pulis. Kung ganoon aba’y kawawa naman pala ang matanda. May nakapagsabi sa girlfriend ko na hindi naman baliw ang matanda dahil nakakausap ito ng matino ng kanyang mga kasamahan sa trabaho. Kaya pala ito nasa kalsada ay dahil pinalayas ng kanyang mga anak sa kanila. Ambabait naman ng mga anak ni lola. Matapos silang alagaan sa loob ng mahabang taon ay ganun-ganun na lang.
Hmm, nasaan na kaya si lola? Hindi ko tuloy alam kung ano ang dapat kung katakutan. Ang multo bang ‘di ko naman nakikita, ang pulis ba o mga gaya ng anak ni lola? Haist, parang nakakatakot na tuloy tumanda…