Maraming negosyo na magandang pagkakitaan at kabilang na rito ang pag-aangkat ng live tilapia. Malaki ang puhunan sa negosyong ito pero mabilis naman ang pasok ng pera.
Kapag mang-aangkat ng live tilapia, kailangan ay meron kang truck na 10 footer na elf hanggang 12 feet. Sa likod nito ay lagyan ng malaking tangke ng aquarium, ‘yung naka-galvanized. Ang taas ay nasa 3 hanggang 3 ½ feet. Samantalang ang lapad ay buong likod ng truck. Siyempre, kailangan ng water pump para ito ang magbibigay ng hangin para makahinga ang mga isda.
Kung mayroon ng sasakyan ay maghanap naman ng puwesto sa palengke na maaaring pagbagsakan ng iyong produkto. Maganda, dapat ay may sarili ka ring puwesto para kahit mamatayan ng tilapia ay puwede mo pang itinda. Basta ‘wag lang ‘yung nalunod sa ilalim tapos biglang lumutang at lumobo dahil pasira na ito. Kapag nakahanap na ng pagbabagsakan ay ituro sa kanila ang tamang paghawak sa live tilapia. Ang iba kasi ay hindi pamilyar sa ganito dahil mas sanay sila sa pagtitinda ng patay na isda. Ang ginagawa ng ilang nagbabagsak ay nagbibigay sila ng tangke na tila kasing laki ng drum, may kasama na itong water pump. Turuan sila na kapag sasalok ng isda sa tangke ay huwag kukuha sa ibabaw. Dahil ang malalakas na isda ay nasa ibabaw. Kai ang ilang nasa ilaim ay mga mahihina na, mauuna mo pa silang ma-dispose. Siyempre, sabihan sila na huwag kalilimutang mag-display ng live tilapia para makita ng mamimili na pupusag-pusag pa ang kanilang paninda.
Pagdating sa bayaran ng isda, pagbalik pa ng nagbagsak saka sila binabayaran ng may-ari ng puwesto. Kumbaga, bagsak ngayon, bayad bukas. Ang karaniwang puwesto ay umoorder ng 30 hanggang 50 kilos. Ipagpalagay na ang presyo ng 1 kilong tilapia ay 80 pesos, Kukunin mo ito sa fishpond ng 70 pesos. Lumalabas na sa bawat 1 kilo na kukunin mo ay may libre ka na 1 kilo. Halimbawang ang kinuha mo ay 900 kilos, meron ka na agad 30 kilos na libre. Yung iba mong gastos puwede mo nang mabawi sa libreng tilapia na naging bonus mo. Paano kung nasa mahigit 1 toneladang tilapia ang kukunin mo? Eh, ‘di mas malaki ang puwede mong tubuin? Iwasan nga lang ang sobrang dami dahil magsisiksikan nang husto ang mga isda sa lob ng tangke. Mag-aagawan kasi sila sa oxygen. Malamang ay mamatayan ka pa ng maraming isda.
Sa paghahanap naman ng farm, sa isang lugar na maraming fishpond ay may mga ahente na tutulong sa iyo at magsasabi kung saan ka makakakuha ng tilapia. Sila ang magbibigay sa iyo ng schedule ng pagkuha mo ng tilapia sa isang farm. Samantala, ang ilalagay mo na tubig sa iyong tangke ay ‘di mo kukunin kung saang lugar ka man nagmula. Kukunin mo ito sa mismong farm na. Meron silang tinatawag doon na patubigan. Kapag nalagyan na ng tubig ang tangke, lagyan ito ng isang blokeng yelo para lumamig ang tubig. Makatutulong ito para matanggal ang stress ng mga isda habang nagbibiyahe. Bukod sa yelo lagyan din ng asin ang tubig. Ang asin ay nagpapaitim sa isda at nagsisilbi ring gamot sa fungus.
Kapag namili ng tilapia huwag kukuha ng malalaki dahil ‘di ito gaanong mabili sa palengke. Bagay lang ang ganito kapag may mga okasyon gaya ng Pasko, bagong taon, etc. Ang magandang ay lima hanggang pitong piraso para sa isang kilong tilapia.
Mas magandang pagkunan ng tilapia kung ang sistema ng patubig na ginagamit nila sa fishpond ay galing sa deep well kumpara sa irigasyon. Mas malinaw kasi ang tubig na galing sa deep well. Kapag brown kasi ang tubig ay maputla ang mga isda. Malalamang may sakit ang tilapia kapag hinawakan mo tapos sumasama ang kaliskis at magaspang ito. Ilan sa magandang pagkunan ng tilapia ay sa San Antonio, Batangas at Gagua, Pampanga.
Halos pareho lang naman ang presyo ng buhay at patay na tilapia sa palengke. Mas mabili nga lang ang buhay dahil mas nakasisiguro na sariwa ito. Kumpara sa patay na ‘di mo alam kung bilasa na pala. Puwedeng nabudburan lang ng asin kaya maitim at mukhang sariwa.
Sa negosyong ito, dapat ay hands on ka. Kung iaasa mo lang sa iba posibleng nasa biyahe pa lang sinasalok na ang tilapia mo. Pagdating sa ‘yo, magtataka ka kung ba’t parang kulang. Puwede nilang sabihin na ‘yan lang ang ibinigay sa kanila sa fishpond. Isa pang bagay na dapat tandaan, kailangan dito ng walang katapusang paghahanap ng puwestong pagbabagsakan. Siguraduhin lang na ang pagbabasakan ay nagbabayad. Huwag magpapautang ng malaki sa kanila. Baka maging dahilan pa ito ng iyong pagkalugi at tuluyang pagbagsak ng negosyo.
Mahalaga ring ingatan ang relasyon sa iyong mga suki. Dumating sa tamang oras ng pinag-usapan ng paghahatid mo ng isda sa kanila. Kung ‘di maiiwasang mahuli ng konti ay kailangang ipaalam mo sa kanila. Hindi ‘yung tipong ikaw pa ang nagmamalaki o mayabang. Tandaang marami rin ang nagnenegosyo ng gaya sa iyo kaya’t puwede ka nilang palitan kaagad.
May pagkakataon na ‘di maiiwasang masiraan o maputukan ng makina ang truck. Kapag nangyari ang ganito mabuting ipa-towing mo ang sasakyan mo. Kapag may oras pa, i-dispose ang natitirang buhay. Kahit naka-tricycle ka pa basta makarating ka lang sa binabagsakan mo. Tapos ‘yung mga namatay puwede mo pang itinda sa puwesto mo. Nang sa gayun ay ‘di ka gaanong malulugi.