Sa panahon ngayon na nasa Internet Era tayo ay may puwang pa ba ang tradisyonal na silid-aklatan? Gayung sa ilang click lang ng mouse sa computer ay puwede mo nang mahanap ang kinakailangang impormasyon sa isinasagawang pagsasaliksik. Sinasabing wala ng kabuluhan pa ang Encyclopedia dahil mayroon namang Wikipedia sa Internet. ‘Di na nga namang kinakailangan pang magbuhat ng malaki at mabigat na libro. Kahit ganito, kung titingnan ay marami pa rin namang mga mag-aaral ang nagtutungo sa silid-aklatan dahil libre lang naman ang paggamit dito. Bukod sa mga paaralan ay ‘di pa rin naman nawawala ang mga pampublikong mga silid-aklatan sa mga bayan-bayan.
Kung susuriin ay bentahe at ‘di-magandang bentahe rin ang paggamit ng Internet. Una, kahit sino ay maaaring maglagay ng impormasyon dito. Kaya’t hindi makasisiguro sa kawastuan ng mga impormasyong mababasa. Kaya dapat lamang na suriin itong mabuti. Dapat ay tumingin din sa iba pang sites at pagkumparahin ang unang nakuhang data. Ang kainaman kapag nasa silid-aklatan ka, kahit na matagal ang paghahanap ay makasisiguro sa mga impormasyong mababasa dahil sadyang ginawa ito ng mga dalubhasa para sa ikatututo ng mga estudyante. . Isa pa, maiksi lamang ang buhay ng ibang mga site kaya’t madali lang mawala ang mga ito sa Internet.
Ang isinasagawang pagsasaliksik ay nahahaluan ng iba pang gawain tulad ng ng pagiging abala sa pagso-social networking. Hindi katulad nang kapag nasa silid-aklatan ka, ang talagang gagawin lang ay ang mag-aral at hindi ang kung ano pa man. Maaari ring humingi ng asiste sa librarian para mapadali ang paghahanap ng impormasyong kinakailangan. Kapag nasa computer shop ka ay mahirap din ang pumokus sa ginagawa dahil sa maingay. Maliban na lang kung may internet access sa bahay.
Oo, mabilis nga ang Internet pero kung tutuusin ay hindi naman ganito kadaling magsaliksik dito. Minsan ay aabutin din ng siyam-siyam at hindi rin naman makikita ang iyong hinahanap. Ang nakaiinis pa ay kung anu-ano’ng mga lumalabas kapag mayroon kang tinayp. Kahit sabihin pang nakasalalay sa inilalagay na “key word” ang ikatatagumpay ng isinasagawang pagsasaliksik. Sa bilyong nakaimbak sa search engine, mapa-Google man o Yahoo ay ilang porsiyento lang naman dito ang educational. Kung hindi sobrang iksi ay sobrang haba naman ang iyong mababasa. Katulad sa pagsasaliksik sa silid-aklatan, dapat talaga ay mayroon kang tiyaga. Huwag sanayin ang sarili sa paraang puro short cut lang.
Sabi ng isang librarian sa isang paaralan sa Antipolo na si Rufina Marero, buhat nang maging guro siya ay hindi naman daw nababawasan ang bilang ng mga estudyanteng nagtutungo sa kanilang silid-aklatan. Kaya’t ‘di naman daw pinatay ng Internet ang mga silid-aklatan sa bansa. Para rin daw itong radyo at telebisyon na hindi naman nawala nang sumikat ang paggamit ng Internet. Sa kabilang banda ay sinabi rin naman niyang mahirap naman ang mapag-iwanan ng panahon. Kaya’t kailangan talaga natin ng Internet para makasabagay sa pagbabago. Marami na ngang mga silid-aklatan ay mayroon ding computer sa loob. Ngunit anuman ang paraan na napili sa dalawa, ang importante pa rin ay ang resulta ng isinagawang pagsasaliksik.