Naglaho na ang makulay na mundo ng komiks na itinuturing na biblia ng masang Pilipino sa loob ng maraming dekada. Tinangka pa nga itong buhayin noon ng pamosong manunulat ng komiks at direktor ng pelikula na si Carlo J. Caparas subali’t wala ring nangyari dahil sadyang iba na ang interes ng mga tao ngayon.
Ngunit hindi nangangahulugang tuluyan nang naglaho ang industriya ng komiks. Nagbanyuhay ito sa ibang mukha o anggulo. Kung mayroong tinatawag na indie film ay mayroon din namang indie comics. Sa pamamagitan nito ay nailalabas na ng mga comic artist ang kanilang mga talento sa pagguhit at paggawa ng istorya. Dito ay hindi na kinakailangan pa ng malalaking pabliser na maglalathala ng iyong obra. Dahil ikaw mismo ay maaaring maglathala. Siyempre, kailangan nga lang ng kaunting puhunan at kaalaman sa marketing. Dahil walang ibang aasahan kundi ang mismong sarili. Nasa iyong mga kamay na rin ang ikatatagumpay ng isang proyekto. Ngunit kung may mga taong bilib naman sa iyong kakayahan ay hindi ito imposibleng mangyari!
Ayon kay Randy Valiente, isang comic artist, ang konsepto ng indie comics ay nagsimula sa fanzine ng mga tinatawag na underground musician, kung saan ay nasa anyong Xerox lamang ang kanilang inilalathalang babasahin. Napakasimple subali’t naging malakas ang dating noon sa mga tao. Importante kasi sa kanila na maipahayag ang kanilang kultura sa musika, uri ng pamumuhay at mga pinanghahawakang prinsipyo. Ngunit ang indie komiks ay maaaring naka-xerox, nasa anyong magasin at libro.
May mga puna nga lang ang iba, na ang ganitong senaryo ay mistulang ego tripping lamang dahil pinapababa lamang diumano nito ang antas ng komiks. Dahil sa wala ng kontrol ay kahit ‘di naman maganda basta may magawa lang ay sige lang ng sige. Ngunit sino nga ba ang makapagsasabi na maganda ang isang obra? ‘Di ba’t nasa tumitingin na rin at nagbabasa? Sabi nga ng mga gumagawa ng indie comics, ang mahalaga ay ang kanilang pagtataguyod sa minamahal nilang larangan bagama’t hindi na ito kasing init pa ng dati. Isa pa, wala namang ibang magtataguyod ng komiks kundi sila-sila ring mga comic artist. Lalo na’t ‘di naman sa kanila nakabaling ngayon ang paningin ng mga pabliser.
Kung inaakala ng iba na walang outlet ang indie komiks ay aba’y nagkakamali sila. Matatagpuan ang mga ito sa maliliit na tindahan ng mga libro at komiks katulad ng Comic Odyssey, meron din sa Book Sale at iba. Paminsan-minsan ay nagkakaroon din ng comics convention gaya ng Komikon na taunang isinasagawa. ‘Di man bumalik ang pagtakilik ng mga tao katulad ng dati, ang mahalaga ay hindi ito nalalagas sa tangkay ng panahon!