Kung mayroong mang masarap pasyalan sa Baguio City ay isa na rito ang Burnham Park dahil talaga namang napakaganda ng lugar. Mahusay kasi ang pagkakagawa ng landscape. Kung tutuusin ay parang karaniwan lang naman itong park kung ikukumpara sa iba. Pero siyempre, iba pa rin ang Burnham dahil matatagpuan ito sa Baguio na itinuturing na Summer Capital of the Philippines. Sa atmospera pa lang, panalo na talaga.
Sikat ang Burnham dahil na rin sa kanilang man-made lagoon. Pagpasok mo pa lang sa park ay sasalubungin ka na ng nagpapa-arkila ng bangka at aalukin ka na magrenta. Maaari kang mamili kung anong bangka ang nais mong gamitin kung pang-dalawahan lang o pang-maramihan. Siyempre, depende kung ilan kayong magkakasama. Isang daang piso lang naman ang arkila at puwede ka pang lumagpas sa isang oras. Hindi naman mahirap na gamitin ang sagwan ng bangka. Konting sagwan dito, sagwan lang doon ang gagawin. Siyempre, mainam ding mag-date rito habang namamangka dahil bukod na sa presko ang paligid ay romantic din ang atmosphere.
Katulad sa ibang park, maaari rin ditong mag-picnic basta’t huwag lang mag-iiwan ng kalat. Kung walang dalang baon, marami naman food vendors na naglipana sa tabi-tabi at may restaurant din namang makakainan. At kung naghahanap ng delecacies o souvener items na gagawing pasalubong aba’y marami rin n’yan dito.
Mayroon din ditong maaarkilahan ng bike. Kaya’t kung gustong magpawis, bukod sa pagdi-jogging aba’y mag-bike rin muna. Sa halagang 50 pesos ay puwede ka nang magparuo’t parito. Makakapili ka pa kung gusto mo ng bike na may side car o wala. Kung may kasamang bata na nagba-bike, mabuting samahan ito kasi may mga mabibilis mag-bike, baka biglang mabunggo o mahagip. Ulan nga lang ang kalaban, siguradong mapapatigil ka kapag biglang bumuhos ang ulan. Pero puwede namang ipagpatuloy ang pagba-bike kapag tumila na ang ulan at puwede pang kumpletuhin ang oras mo.
Kapag nagawi ka sa Baguio ay huwag kalilimutang pumunta sa Burnham Park. Sinasabi kasi ng iba na parang ‘di ka pa nakapunta sa Baguio, kung hindi ka pa nakapunta rito. Kung nakapunta ka na, wala namang problema, siguradong gusto mo ring balik-balikan ang lugar na ito kung mayroon lang pagkakataon.