Ang seaweeds o halamang dagat at kilala rin sa tawag na lato ay bahagi ng grupo ng multicelllur algae. Sinasabing ito ay mas masustansiya pa sa mga gulay o halaman na tumutubo sa lupa. Ang maganda pa rito ay hindi ito nalalagyan ng fertilizer o kung anu-ano pang kemikal kaya’t ligtas talagang kainin.
Ito ay mayaman sa vitamin c, pantohenic acid at folic acid. Mayaman din ito sa B Vitamin(B1,B2,B6) na mainam para mapalakas ang ating metabolismo at kaya ring pababain ang cholesterol level sa ating katawan. Pinapaganda rin nito ang pagdaloy ng ating dugo. Mainam din ito na pampalakas ng resistensiya para hindi basta tablan ng sakit. Ang seaweed kasi ay mayroong anti-oxidants na tumutulong sa ating immune system. Nilalabanan din nito ang pagkakaroon ng osteoporosis.
Ito rin ay ginagamit bilang herbal medicine para gamutin ang simpleng ubo at trangkaso, pananakit ng kalamnan at arthritis. Nakatutulong din ito sa mga gustong magbawas ng timbang dahil sagana ito sa fiber na nakapaglilinis ng ating bituka. Sinasabing nakatutulong din ito sa pagtunaw ng ating mga kinakain.Mayaman din ito sa iodine, isang mahalagang nutrient para maging maayos ang thyroid function. Kaya’t mainam kainin ang seaweed ng mga mayroong goiter o bosyo.
Mayroon din itong mineral content para mabilis na humaba ang buhok. Bukod pa rito ay nagpapakinis din ito ng kutis. Ang seeweed kasi ay puno ng lipids, proteins, minerals at vitamins kung saan ay madali itong maabsorb ng ating kutis. Katunayan ay ginagamit itong sangkap ng ilang mga kumpanyang gumagawa ng shampoo at sabon dahil sa magandang epekto sa kutis at ating mga buhok.
Ang seaweed na binabalewala ng iba dahil anila’y hindi ito masarap kainin dahil sa kakaiba nitong hitsura at medyo madulas sa lalamunan ay may malaki palang silbi sa ating kalusugan. Hindi ba’t ang seaweeds ay inihahalo pa nga sa pagkain gaya ng sushi, salad at iba pa? Sa may Tuguegarao City ay ginagamit pa ang seaweeds bilang sangkap sa paboritong almusal ng marami, ang pandesal.