
Kung may hilig mang gawin ang isang tao , ito ay ang kumain nang kumain. Kahit kailan ay hindi ito puwedeng mawala dahil isa itong pangunahin nating pangangailangan. Hindi maikakaila na marami sa mga Pinoy ang mahilig sa food trip at siyempre magagaling din pagdating sa pagluluto. Dahil sa galing ng mga Pinoy sa pagluluto ay marami na sa kanila ang naging maganda ang buhay dahil dito.
Medyo may kamahalan nga lang ang mag-aral ng ganitong kurso dahil bukod sa training ay binabayaran din ang mga mamahaling sangkap na niluluto sa bawat pagtuturo. Ngunit hindi ito dahilan para mabawasan ang mga mga kumukuha nito bagkus ay nadadagdagan pa nga. Sulit naman kasi dahil kapag nakapagtrabaho sa ibang bansa ay tiyak na maganda ang kita. Sinasabing in demand ang mga cooks at chefs sa Australia , Macau , Maldives , Europa at iba pa. ‘Yung mga hindi naman nangingibang bansa ay nagtatayo naman ng kani-kanilang negosyo na may kinalaman sa pagkain tulad ng restaurant.
Ang ilan pa nga sa kanila ay nagging tagapagluto ng mga sikat na personalidad sa mundo. Isa sa magandang halimbawa ay si Cristeta Comford na naging Executive Chef sa dating pangulo ng Amerika na si George Bush. Dahil sa kanyang angking husay ay hindi siya napalitan. Siya pa rin ang tagapagluto para sa pamilya ni kasalukuyang Presidente ng Amerika na si Barack Obama. And’yan din ang celebrity chef na walang iba kundi si Boy Logro. Ang galing sa pagluluto ang naging puhunan niya sa kung anuman ang naabot niya sa kasalukuyan.
Ngayon, sino ang magsasabing karaniwan lamang ang ganitong kurso?